Maraming mga bagay sa buhay ko ang madalas kong namimiss ng husto. Siguro nga masyado lang akong sentimental na tao. Masyado kong pinapahalagahan ang bawat tao, bagay o di kaya’y mga pangyayari na nangyayari sa buhay ko.
Mahirap maging sentimental. Ito ang karaniwang dahilan kung bakit ka nahihirapan na magmove-on. Kapag patuloy mong hinahayaang ikulong ang sarili mo sa lungkot at saya ng nakaraan. Ang masasabi ko lamang ay guilty ako pagdating sa mga ganyan. Kadalasan kasi ay nakikita ko na lamang ang sarili ko na tulala at ayun nabubuhay na naman sa nakaraan.
Nang magkaroon kami ng chance na magkita-kita kami ng mga pinakamalalapit kong kaibigan sa kolehiyo ay naging sobrang excited ako kasi sa wakas ay magkikita-kita kaming muli. Mapupuno na naman ang araw at gabi namin ng kwentuhan, tawanan at babalikan naming muli ang nakaraan. Katulad ng dati ay uupo kami sa isang maliit na pasilyo o di kaya’y magdadaldalan sa hagdan. Magbibiruan kaming muli at ikukwento ang aming mga karanasan sa pag-ibig at mga kalokohan sa buhay.
Pero matapos ang event nung gabing kami ay magkita-kita tila lahat ay nagmamadaling umuwi. Lahat may mga lakad at pasok sa trabaho na hinahabol. Lahat wala ng panahon pa upang makipagkwentuhan. Hindi tulad ng dati na tila sa amin ang buong gabi kung magkwentuhan at maghalakhakan. Tila wala na kaming bukas kung magpa-umaga sa daan habang paulit-ulit ang mga kwentuhan. Pero ang gabing ito ay hindi na tulad ng mga nakaraang gabi na ako ay nasa kolehiyo, ang mga masasayang gabi na kami ay magkakasama nagkukwentuhan at nagtatawanan. Wala na ang mga gabing iyon. Nagbago na ang lahat. Isa na lamang siyang ala-ala.
Kailangan na talaga naming harapin ang next phase ng buhay namin. Buhay na may sari-sariling kapalaran na nais tahakin. May mga bago na rin kaming kaibigan, katrabaho at kasama. Marami na rin kaming di alam sa isat-isa. Marami na nga ang nagbago sa bawat isa. Bigla ko tuloy natanong sa isip ko; kilala pa kaya namin ang isa’t isa. Tila nagsisimulang gumuhit ang manipis na linya sa pagitan namin, ako at sa aking mga kaibigan. Biglang pinaglalayo na kami ng pagkakataon, ng mga panahon na kami ay hindi magkakasama. Pinaglalayo na kami ng mga bagay na ito. At ang magaganda ay nakalipas na at di na namin kailanma’y maibabalik pa.
Kaibigan ko pa rin naman sila. Sila ay patuloy na magiging bahagi ng buhay ko. Habang buhay na silang nakatatak at nakasulat sa bawat pahina ng aking kwento’t kasaysayan. Pero ang lahat ng bagay ay nagbabago, lahat patuloy sa pag-evolve. Ang kailangan mo lamang gawin ay sumabay ka sa agos ng buhay. Paalam sa aking nakaraang di ko na maibabalik. Hello naman, sa aking kinabukasan na sa akin ay naghihintay. Babalik pa rin naman sila sa aking bukas di nga lang tulad ng dati. Magkakasama na kami sa bagong yugto ng aming mga buhay. Iba nang mga problema at iba ng klaseng pagsasama.
Pero sa ngayon, uupo muna ako sa isang sulok aalalahanin ko ang dating eksena na nandoon ang aking mga kaibigan, malalim na ang gabi pero tawa pa rin kami ng tawa. Habang sinasalubong ang umaga na bagamat may problema ay ayun nakangiti pa rin kami at nakatawa dahil kasama namin ang isa’t isa. Miss ko na talaga sila.

1 comment:
ok lang yan kuya. ganun talaga yung buhay. pero pwede mo rin naman po baguhin. Lumayo dun sa daan na tinatahak ng karamihan. Kaparehas ng iba. Normal . . Mahirap. Pero mas piliin dapat kung saan o dapat sasaya. I miss you kuya james.
Post a Comment